Oct 1, 2014

Beauty Pageants at Ang Heograpiya

by Ranz

1993, nanalo bilang 2nd Princess si Ruffa Gutierrez sa Miss World Pageant sa South Africa. Nasa elementary ako 'nun at wala pang masyadong muwang sa mundo ng beauty pageants. Hindi ko masyado napanood ang telecast noon at halos patapos na ng maabutan ko.

Ganun pala ang pakiramdam, kakabahan ka rin pala. Iba pala kapag nakikita mo ang "Philippines" sa mga international contest. Hindi nga nagtagal at hinirang sina Misses Philippines at South Africa bilang runners up at si Miss Jamaica naman bilang Miss World. Naalala ko, tuwang tuwa lola ko nun at talagang inaway away pa sina Miss Jamaica at Miss South Africa dahil di hamak naman daw na mas maganda pa si Ruffa Gutierrez sa dalawa. Sa kulay pa lang ay talbog na sila. Kung di ninyo alam e mga dark beauties po ang dalawang tumalo kay Miss Philippines (tingnan po ang larawan sa ibaba).

Si Ruffa (Miss Philippines) at ang dalawang dark beauties
(Misses South Africa at Jamaica) na tumalo sa kanya

Dati kung hindi bahay-bahayan o tagu-taguan ay naglalaro kaming mga bata ng Little Miss Philippines ng Eat Bulaga. May isang tatayo sa amin na gaganap bilang host habang ang iba naman ay magtutunggali bilang mga contestants. Kadalasan walang gustong maging host, lahat ay gusto na maging contestants.

Gamit ang mga kumot o anumang mga tela o plastic na makita namin ay gumagawa kami ng kani-kaniya naming gown at tulad ng tunay na Little Miss Philippines sa tv ay nagsisimula kami sa pagpapakilala kasunod ang talent portion kung saan tulad ng sa tv ay mayroong kumakanta (na suklay ang mikropono), sumasayaw at tumutula. Pagdating naman sa question-and-answer portion ay kami kami na lang ang nagtatanungan.

Wala kaming hurado. Wala ngang gusto na maging host lang, hurado pa kaya? Saka sigurado ako na away-bata lang ang magiging ending namin kung may magkamali ng pili ang tatayong hurado. Kaya madalas ay dinadaan na lang namin sa usapan ang lahat: ako ang mananalo ngayon at siya naman bukas habang ang iba naman ay sa mga susunod na laro na lang. Lahat kami winners ika nga.

Pero matapos ang Miss World ay namulat ako sa mas exciting na mundo ng beauty pageants. Ayaw ko ng maglaro ng Little Miss Philippines. Miss World na lang. Matapos makumbinsi ay pumayag naman ang mga kalaro ko. Mula sa mga pinagdikit-dikit na papel ay nakagawa kami ng mga kaniya-kaniya naming sash at dahil ako naman ang pasimuno ng lahat, ako na rin ang nagmagaling na mag-designate ng mga "country" namin. Dahil sampu kaming lahat na maglalaro, ito ang mga inilagay ko sa sash namin:

Miss Philippines
Miss South Africa
Miss Jamaica
Miss Valenzuela
Miss Japan
Miss California
Miss New York
Miss Australia
Miss Brunei
Miss London

Inilagay ko ang mga "bansa" na malimit kong marinig sa telebisyon at mga usapang matanda noon. Wala akong masyadong alam sa mapa. Sa iskwela, ang itinuturo pa lang sa amin noon ay mga Region I hanggang Region.. ano na nga kasi yun? Ang South Africa at Jamaica naman ay nanggaling mismo sa naabutan ko sa panonood ng Miss World. Nagkamali pa ako sa spelling ng "Miss Philippines" dahil imbes na double 'P' ay double 'L' ang nailagay ko, kaya't galit na galit ang nagsuot ng sash na iyon dahil may naiwan pang bakas ng mga bura at dumi ang sash niya.

Wala namang kumontra sa mga isinulat ko sa sash namin. Yun nga lang ay muntik nang maiyak ng kalaro naming si Maita ng ipilit naming siya ang magsuot ng "Miss South Africa" sash. Si Maita ang pinaka-maitim sa aming lahat dahil na rin sa maitim ang pinagmanahan niya - ang kanyang tatay. Mga bata pa lang kami pero parang may discrimination na kaming nalalaman sa buhay o sadyang naniwala lang kami na lahat ng mga Miss South Africa at Miss Jamaica sa mundo ay "maiitim." Sa huli ay napapayag din namin si Maita. Bilang pakunswelo ay sinabi ko na lang na tingnan niya si Roda at di umaangal sa "Miss Jamaica" sash niya. Ang sagot niya: "diba siya naman ang tumalo kay Ruffa?"

Taong 1994 ng muling itanghal ang Miss Universe sa Pilipinas. Nauna na raw dalhin ang Miss Universe noong 1973 dito sa atin. Hindi pa ako ipinapanganak noon. Sa Miss Universe Manila ako nagsimula na maging ganap na fan ng mga beauty pageants. Di ko pinapalagpas panoorin noon ang mga trivia ng ABS-CBN para sa Miss Universe. Maging ang mga kaliwa't kanang guestings ng mga candidates sa mga tv shows ng dos ay nakatutok ako. Gandang ganda ako sa kanila.. lalo na pag suot nila ang kanilang mga sash.

May kung ano ang sash nila at naeengganyo ako.

Mula noon ay naging interesting na para sakin ang mga beauty pageants. Kasabay ng mga prestihiyoso at makukulay na mga pagtatanghal ay natutunan kong makilala at tanggapin ang iba't ibang kultura at kaugalian ng mga bansang lumalahok sa Miss Universe, Miss World, Miss International at Miss Earth.

Higit sa lahat ay natutunan ko rin sa wakas ang mapa at ang heograpiya.

-Nalaman ko na hindi pala tama ang mga sash na ginawa ko noong bata ako. Ang California at Las Vegas ay hindi pala mga bansa kundi mga states ng Amerika. Ang mga representatives ng California at Las Vegas ay lumalahok sa taunang Miss USA Pageant at ang mananalo dito ay siyang kakatawan sa Miss Universe bilang si "Miss USA."

-Venezuela pala at hindi Valenzuela. Ang Valenzuela ay matatagpuan lang pala sa Metro Manila habang ang Venezuela naman ay makikita sa northern coast ng South America. Kung ikaw ay mula sa Venezuela, itinuturing kang beauty powerhouse sa mundo ng beauty pageants.

-Tulad ng California at Las Vegas, ang London ay hindi rin pala isang bansa kundi siyang capital naman ng England. Sa Miss Universe huli nating nakita si Miss England kasama sina Miss Scotland at Miss Wales ay noong 1990. Noong 1991 ay pinag-isa na lang ang mga British Isles bilang si "Miss United Kingdom." Mula 1992-2000 naman ay naging "Miss Great Britain" ito at muling ibinalik sa titulo bilang Miss United Kingdom noong 2005. Hanggang sa maging "Miss UK" na lang ito last year (2008).

-Natuklasan ko rin na hindi pala lahat ng ng Miss South Africa at Miss Jamaica ay "maiitim." Sina Claudia Henkel (South Africa) na naging semi-finalist sa Miss Universe 2005 at Christine Straw (Jamaica) na hinirang na Continental Queen of the Caribbean sa Miss World 1998 ay mga mapuputi naman.

-Wala palang "Miss Brunei" na lumalahok sa mga international beauty pageants. Konserbatibo ang pananaw ng mga kapatid nating Muslim pagdating sa mga beauty pageants. Sina Miss Indonesia-Universe 2005 Artika Sari Devi, Miss Indonesia-Universe 2006 Nadine Chandrawinata at Miss Afghanistan-Earth 2003 Vida Samadzai ay ilan lamang sa mga controversial figures na naharap sa isyu ng swimsuit at beauty pageants.

-Na ang mga lumalahok sa mga international beauty pageants ay nagmumula sa iba't ibang grupo o kontinente ng mundo. Sa Miss Universe noon ay magkahiwalay na ipinakikilala ang mga delegates mula sa Mediterranean, South America at North America. Habang sa Miss World naman ay may Caribbean group at iniisplit ang Europe sa Northern at Southern group.

-Nasagot ko rin noon ng tama mula sa isang trivia kung ano current name ng bansang Yugoslavia: ito ang Serbia and Montenegro. Noong 2003 ay kinatawan ni Sanja Papić ang Serbia and Montenegro sa kauna-unahang pagkakataon, matapos na magpalit ito ng pangalan mula Yugoslavia, sa Miss Universe Pageant. At matapos ang independence noong 2006, ay magkahiwalay ng lumaban ang Serbia at ang Montenegro sa Miss Universe 2007.

-Na hindi pala sa lahat ng pagkakataon ay pwedeng maging "friends" ang lahat: Noong Miss Universe 2000 ay hindi nag-padala ng kandidata ang bansang Turkey dahil sa pulitikal na issues nito sa noo'y host country na Cyprus. At sina Miss Lebanon Norma Naoum naman at Miss Israel Nirit Bakshi ay umiwas sa isa't isa dahil din sa mga isyung kinasasangkutan ng kanilang mga bansa.

-Na mali pala ang perception ko bilang bata na ang lahat ng tao sa America ay mapuputi habang maiitim naman ang mula sa Africa. Sa Miss Universe 2000, mas "maputi" si Miss South Africa Heather Joy Hamilton kaysa kay Miss USA Lynnette Cole. Hindi rin maputi si Chelsi Smith, ang nanalong Miss Universe 1995, na na nagmula sa USA.

-Nalaman ko rin na napakarami palang salita o language sa mundo. Sa India lang, ayon kay Sushmita Sen ay maraming ginagamit na wika. Para maintindihan ng majority ng english viewers ay kumukuha ng interpreter ang mga non-english speaking candidates sa pagsagot sa kanilang question-and-answer portion. Nakakapagtaka lang na ang ibang latina beauties ay kailangan pa ng interpreter para maintindihan ang tanong gayung kapag sumagot naman sila ay sa ingles.

-Higit sa lahat, natutunan ko na ang pangalang ng bansang nakasulat sa sash ng isang contestant ay malaking factor para mapansin, makakuha ng atensyon at manalo. May magkaibang perception o pagtanggap ang mundo ng beauty pageants (halimbawa na lang) kay "Miss Venezuela" kaysa kay "Miss Ecuador."

Marami at iba-ibang bagay pa ang mga natututunan ko sa pagsusubaybay sa mga beauty contests. Hanggang ngayon ay malawak pa rin ang mga kaalaman na natutuklasan ko. Marami tayong mga kultura, kaugalian at kasaysayan na matututunan sa mundo ng beauty pageants maliban sa "world peace."

2 comments:

  1. Anonymous3:54 AM PST

    Nakaka-relate ako.. ganda :>>

    ReplyDelete
  2. Anonymous5:04 AM PST

    hehheeheh nakakatawa ngunit totoo..ganito din kasi ako..kung isusulat ko kung paano ko nagustuhan ang beauty pageantat paano umikot ang munoi ko dito mas matatwa kayo siguro kasi tulad niya marami ding mali na tama pala sa huli...nakakaenjoy ang artikulo mo sana maisualt mo dito si venus raj at paano siya naging 4th runner up...god bless you..kenny od cebu

    ReplyDelete

A misty-eyed look at Armi Kuusela, the 1st Miss Universe

Armi Kuusela with Virgilio Hilario Fifty-four years ago today, a beautiful 17-year-old girl from Finland was crowned (by Hollywood act...