Oct 2, 2014

Si Miriam Quiambao at Ang Huling 10 Taon ng mga Binibini

Hindi ko napanood ang Miss Universe 1999 noong nanalong First Runner-up si Miriam Quiambao sa Trinidad & Tobago. Nainis ako. Matapos kasi ang Miss Universe sa Manila noong 1994 ay wala akong naging palya sa panonood ng Miss Universe finals mula Windhoek, Namibia noong 1995 hanggang Honolulu, Hawaii noong 1998. Sa mga taong ito ay hindi pinalad makapasok sa Top 10 ang ating mga binibini. Pero kung kailan naman nanalo ang Pilipinas ng 2nd place noong 1999 ay saka naman hindi ko ito napanood.

Nakakainis talaga.

Naalala ko pa noon. Nasa frontpage ng ilang broadsheets ang larawan ni Miriam na kuha mula sa Presentation Show ng Miss Universe sa Chaguaramas. Naging maingay noon ang pagkadapa ni Miriam sa evening gown round ng Preliminary Competition. Maging sa column noon ni Ricky Lo sa Philippine Star ay laging may update kay Miriam. Sa Column na ito rin una kong nakita ang larawan ni Miriam suot ang Oscar Dela Renta swimsuit at talaga namang napahanga ako.

Kaya't ng manalo bilang 1st runner-up si Miriam at hindi ko napanood ang telecast nito ay talaga namang nainis ako.

Mula noon ay ayaw ko ng pumalya pa. Simula Miss Universe 2000 ay tumutok ulit ako. Baka sa susunod ay ang korona na ang masungkit ng Pilipinas. Ayaw ko ng mapag-iwanan pa.

Ang sumunod na 10 taon ng mga binibini sa Miss Universe, mula 2000 hanggang 2009, ay sampung taon din ng aking pagsubaybay at pagbibigay pagsuporta sa kanila. Ang kanilang laban ay siya rin naging aking pakikipaglaban. Ang kanilang mithiin ay siya rin naging aking pag-asa at pangarap.

Miss Universe 2000: Nicosia, Cyprus

Inabangan ko talaga ang telecast ng Miss Universe 2000 sa RPN9. Malakas at popular ang ating pambato - si Nina Ricci Alagao. Tulad ni Miriam, itinuturing din na strong contender si Nina Ricci. Inabangan ng marami ang tunggalian nila ni Miss India Lara Dutta.

Nabasa ko ang interview ni Nina Ricci sa kanyang profile sa official website ng Miss Universe. Matalino at palaban ang naging impression nito sa akin. Malakas ang personalidad niya.

Nainis ako sa sobrang delayed ng telecast ng Miss Universe 2000 sa RPN9. Paglipat ko sa Startalk sa GMA7 ay ibinalita ni Butch Francisco na hindi nakapasok si Nina sa Top 10. Nagkaroon ng phone patch kay Nina mula Cyprus at bakas sa boses nito ang pagkadismaya.

Tulad ni Nina Ricci ay nadismaya din ako.

Paglipat ko ulit sa RPN9 ay nagsisimula na ang telecast. At tulad ko ay tila nadismaya din ang dalawang anchorwomen na sina Ali Landry at Julia Moran sa di pagkakapasok nina Miss Philippines at Miss Germany.

Sa huli, ay kinoronohan ang sinasabing mahigpit na katunggali ni Nina Ricci - si Lara Dutta ng India.

Lalo akong nadismaya.

Matalino si Lara. Papalakpakan mo ang kaniyang talino at poise sa pagsagot. Pero sa panahon ng pag-aangkin sa kung sino nga ba ang tunay na reyna ng asya pagdating sa beauty pageants, nakakadismayang makita na maiwan si Miss Philippines habang kinokoronahan si Miss India.

Sana ay nanalo na lang noon si Miriam. Kahit papano sana ay nakita natin kung paano "ipinasa" ni Miss Philippines ang korona kay Miss India.


Miss Universe 2001: Bayamón, Puerto Rico

Ang Miss Universe 2001 batch ang isa sa mga pinaka-paborito kong grupo sa kasaysayan ng Miss U. Sa headshots pa lang ng mga delegates ay makikita mo na ang maraming standout beauties. Kaya't alam ko na hindi magiging madali ang kumpetisyon para sa ating binibini na si Zorayda Ruth Andam.

Sa taong ito una kong nakilala ang Global Beauties. Ang Globalbeauties.com ang sinasabing leading pageant website. Marami ng kwento ang nabuo, mula noon hanggang ngayon, tungkol sa relasyon ng Global Beauties at mga filipino pageant fans. Para silang dalawang bata na minsan ay magka-away at minsan naman ay magka-sundo.

Ang evening gown presentation ni Zora ay binigyan ng magandang review ng Global Beauties. Komento nga ng GB kay Miss Philippines matapos ang Presentation Show ay: "She's now a favorite!"

Pero hindi rin pinalad si Zora na makapasok sa Top 10.

Nakakapanghinayang lang dahil interesado akong malaman noon kung paano bibigyan ng score ni Dayanara Torres si Miss Philippines kung nakapasok ito sa finals. Si Dayanara Torres at ang dating asawang si Marc Anthony ay umupo noon bilang mga hurado sa finals ng Miss Universe 2001.

Naisip ko na baka malayo ang pwedeng narating ni Miss Philippines sa mga kamay ng dating itinuturing na Dancing Queen ng Pilipinas.


Miss Universe 2002: San Juan, Puerto Rico

Kahit na mas pinaboran ko si Katherine Anne Manalo noon sa Bb. Pilipinas 2002, nakita ko naman ang tila kakaibang dating ni Karen Loren Agustin na nagi-standout sa marami.

Sa Miss Universe 2002, kumpara Miss Universe 2001, ay wala akong masyadong naging mga "sentimental" favorites, kaya't todo talaga ang naging cheer ko para kay Miss Philippines.

Ang Miss Universe 2002 Fashion Show ang pinaka-paborito ko sa mga naging Fashion Show series ng Miss Universe. pero hindi masyado pumabor sa akin ang performance dito ni Karen. Sa Preliminary Competition ay nagpapansin at pinag-usapan naman ang kaniyang infamous red gown.

Sa finals night ay hindi muling pinalad si Miss Philippines na makapasok sa semis. Hindi yata napansin ng mga preliminary judges ang kakaibang karisma ni Karen.

Miss Universe 2003: Panama City, Panama

Ang underdog beauty ng Pampanga na si Carla Gay Balingit ang kinoronahan bilang Bb. Pilipinas-Universe noong 2003. Ang pagkapanalo ni Carla sa local pageant ay umani ng iba't ibang reaksyon mula sa ilang pinoy pageant fans. Sa interview ng Global Beauties Kay Carla sa Panama City ay binuhos ni Carla ang kaniyang sentemyento sa tila pagbibigay higit pansin ng mga fans sa mga mestizas pagdating sa mga beauty pageants.

Naging memorable sa akin ang evening gown presentation ni Carla sa preliminary competition ng Miss Universe 2003. Pinuri ng pageant website na Tom's Page of Miss Universe Mania ang kaniyang presentation at ibinilang si Carla sa mga favorites. Samantalang pinuna naman ng Global Beauties at sinabing tila pang-1980's relic ang necklace na isinuot ni Carla na ipinagtanggol naman ng pinoy pageant critic na si Joseph Vitug.

Sa taong ito, mula 10, ay itinaas sa 15 ng Miss Universe Organization (MUO) ang bilang ng mga semifinalists. Ganunpaman, tila naging mailap pa rin ang korona kay Miss Philippines dahil hindi pa rin ito pinalad na mapabilang sa finals.

Miss Universe 2004: Quito, Ecuador

Isa ng international beauty titlist si Maricar Balagtas bago pa man siya sumabak sa Miss Universe. Si Maricar ay kinoronahan bilang Miss Globe International sa Istanbul, Turkey noong 2001.

Maganda ang mga naging review ng mga kritiko sa evening gown presentation ni Maricar sa Preliminaries ng Miss U. Ang experience ni Maricar sa Turkey ay nakatulong upang maging polished at solid ang kaniyang performance. Umaagaw-pansin din ang Pintados national costume ni Maricar na tila iniiwasan naman mahagip ng mga camera sa Miss Universe 2004 telecast.

Hindi nakapasok si Miss Philippines sa semifinals haabang kinoronahan naman si Jennifer Hawkins ng Australia bilang bagong Miss Universe. Ang imahe ni Jennifer Hawkins - at Amelia vega ng nakaraang taon - ang pagbibigay senyales ng MUO sa pagbihis sa pageant patty looks ng isang typical na beauty queen at pagyakap sa makabagong larawan ng isang Miss Universe.

Miss Universe 2005-2007: From Thailand to Los Angeles & Mexico

Paborito ko ang edition ng Miss Universe sa Thailand noong 2005. Mayaman at makulay ang kultura ng Thailand na bagay na lalong nagpatingkad sa prestihiyosong Miss Universe. Ang introduction ng mga candidates mula sa iba't ibang scenery ng Thailand at ang maigsi ngunit nakakasindak na opening dance number nito - ay perpekto para sa akin. Pero higit sa production at cultural values at mga higanteng elepante ng Bangkok ay mas inabangan ko ang magiging kapalaran ng Miss Philippines na si Gionna Cabrera.

Ilang oras bago ang Miss Universe 2005 finals ay may lumabas na "leakage" sa internet ng umano'y kopya ng Top 15 Semifinalists. Sa listahang ito ay napabilang ang pangalan ni Gionna. Ngunit matapos ang Miss Universe 2005 at makoronahan bilang bagong Miss Universe si Natalie Glebova ng Canada ay walang Miss Philippines na nakalusot sa Semi Finals.

Sa sumunod na 2 taon, hindi pa rin pinalad na makapasok sa finals sina Lia Andrea Ramos (kahit na umabot sa 20 ang bilang ng semifinalists) sa Miss Universe 2006 sa Los Angeles, California at Anna Theresa Licaros (na tinalo ng nagbabadyang bagong powerhouse ng Asya - Si Miss Japan) sa Miss Universe 2007 sa Mexico City, Mexico.

Sa mga taong ito, mula 2005 hanggang 2007, hindi man pinalad na maiuwi ang korona o makapasok sa semifinals ay napagwagian naman nina Gionna, Lia at Theresa ang Miss Photogenic Awards sa Miss Universe. Ang Miss Photogenic o ang online voting ang tila naging bahikulo ng mga pinoy pageant fans na muling mailagay si Miss Philippines sa gitna ng entablado ng Miss Universe - ilang taon matapos ang glorya ni Miriam Quiambao.

Miss Universe 2008: Nha Trang, Vietnam

Inabangan ko ang transformation ni Jennifer Barrientos mula sa kaniyang koronasyon sa Bb. Pilipinas Pageant hanggang sa paglapag niya sa Vietnam bilang si Miss Philippines. Sa umpisa pa lang ay naisip ko ng tila hindi magiging madali para sa pinay "conservative" looks ni Jennifer ang umagaw-eksena sa panahong ang nagre-reyna sa Miss U ay ang mga imahe nina Amelia Vega, Jennifer Hawkins, Natalie Glebova at Zuleyka Rivera.

Sa Presentation Show ay pinuri ng mga fans ang agaw-pansing pagrampa ni Jennifer sa Swimsuit Competition habang pinuna naman ng marami ang colombian-designed gown na ipinarada niya sa Evening Gown presentation.

Sa panahong tila humihina ang popularidad ni Miss India - na siyang itinuturing na mortal na karibal ng mga pinay - ay siya namang unti-unting pag-agaw eksena ng mga asian beauties mula Indonesia, Vietnam, Thailand at Japan.

Sa huli, iniwan nina Misses Vietnam at Japan sina Misses India at Philippines patungong Semifinals.

Dumarami na nga ang katunggali ng mga pinay sa Asya at siyam na taon na ngang hindi nararamdaman ang presence ng minsang tinaguriang pageant powerhouse ng asya sa Miss Universe - si Miss Philippines!

Miss Universe 2009: Nassau, Bahamas

Sa agawan ng Bb. Pilipinas-Universe title noong 2009 ay mas pinaboran ko si Marie-Ann Umali kaysa kay Pamela Bianca Manalo. Alam nating mas napapansin ang mga "asian looks" sa Miss World kumpara sa Miss Universe ni Donald Trump. Para sa akin, ang chinita feature ni Bianca ay tila mas perpekto para sa Queen of Asia & Oceania title sa Miss World.

Pero sadyang may taglay na karisma si Bianca. Mula sa kaniyang arrival sa Nassau hanggang sa Preliminary Competition ay naging kapansin-pansin ang kaniyang bubbly personality. Madali niyang nakuha ang simpatiya ng mga fans at naging paborito among asia delegates.

Tulad ni Jennifer Barrientos, binatikos din ng ilang fans ang colombian designed-gown ni Bianca sa Preliminaries at sinabing humila pababa sa magandang performance ni Bianca sa Swimsuit Competition.

Habang nirarampa ni Miss Japan ang mga gowns ni Gucci, si Miss Philippines ay tila nakatali na kay Barraza. Habang sumusubok maging mapangahas ni Ines Ligron sa mga evening gowns ni Miss Japan ay tila nakuntento na tayo sa mga "Hit or Misses" designs ng Colombian designer na si Alfredo Barraza.

Hindi man pinalad na makapasok sa semis at maputol ang 10 taong "drought" ng Pilipinas sa Miss Universe, ay naging instant favorite ko naman si Bianca. Standout para sa akin ang pagiging "kikay" at bubbly personality niya. Si Bianca ay hindi nakakakahon at hindi isang stereotype na Beauty Queen. Hindi ko man siya naging top favorite noon sa Bb. Pilipinas ay maituturing ko naman siya bilang isa sa mga paborito kong Bb. Pilipinas-Universe winners.

Fast-Forward:

Napagwagian na ng pinay ang ikatlong korona sa Miss International (Precious Lara Quigaman) at ilang ulit na rin nating pinasok ang Top 5 ng Miss World (Mafae Yunon at Karla Bautista) sa nakaraang 10 taon. Pero bakit tila naging mailap sa atin ang Miss Universe?

Nagpalit korona na ang Miss Universe at kasabay nito ang tila pagpapalit larawan ng isang Miss Universe. Mula sa isang imahe ng isang konserbatibo at intelihenteng Beauty Queen - si Miss Universe ay larawan na ng kasalukuyang kababaihan - supermodel, brave and bold.

Ngunit sa gitna ng mga pagbabagong ito, si Miss Philippines ay tila hindi na nakawala sa iba't iba at walang katapusang mga isyu. Mula sa usapin ng tamang criteria sa pagpili ng Bb. Pilipinas-Universe, isyu sa training sa Colombia at pagdidisenyo ni Barraza sa mga gowns at national costumes ng mga pinay hanggang sa isyu ng pulitika at makabagong sistema ni Trump at pag-usad ng mga asian beauties mula Japan, Vietnam, China, Thailand at Indonesia - ang huling sampung taon ay tila hindi nga naging madali para kay Miss Philippines.

Sana'y magsilbing gabay sa atin ang nakaraan sampung taon upang makita natin ang mga naging kahinaan at kakulangan nang sa gayo'y makasabay tayo sa "pagbibihis" ng makabagong imahe at larawan ng kasalukuyang Miss Universe.

4 comments:

  1. Anonymous3:13 AM PST

    Matalino si Lara. Papalakpakan mo ang kaniyang talino at poise sa pagsagot. Pero sa panahon ng pag-aangkin sa kung sino nga ba ang tunay na reyna ng asya pagdating sa beauty pageants, nakakadismayang makita na maiwan si Miss Philippines habang kinokoronahan si Miss India.

    Sana ay nanalo na lang noon si Miriam. Kahit papano sana ay nakita natin kung paano "ipinasa" ni Miss Philippines ang korona kay Miss India.

    i like this idea.. hehe

    ReplyDelete
  2. Anonymous6:29 PM PST

    nice reading :-)

    ReplyDelete
  3. Anonymous9:04 PM PDT

    I did enjoy reading this one!

    ReplyDelete

A misty-eyed look at Armi Kuusela, the 1st Miss Universe

Armi Kuusela with Virgilio Hilario Fifty-four years ago today, a beautiful 17-year-old girl from Finland was crowned (by Hollywood act...